State of the Nation Address (SONA) 2012 Full Transcript(Filipino)
Benigno S. Aquino III, Third State of the Nation Address,
July 23, 2012
State of the Nation Address
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
[Delivered at the Session Hall of the House of
Representatives, Batasan Pambansa Complex, Quezon City, on July 23, 2012]
Maraming salamat po. Maupo po tayong lahat.
Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano
Belmonte; Bise Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez
Ramos at Joseph Ejercito Estrada; ang ating mga kagalang-galang na mahistrado
ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga
kagalang-galang na miyembro ng Kamara de Representante at ng Senado; mga pinuno
ng pamahalaang lokal; mga miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi
ng militar at kapulisan; mga kapwa kong nagseserbisyo sa taumbayan; at siyempre
sa akin pong mga boss, magandang hapon po.
Ito po ang aking ikatlong SONA, at parang kailan lang
nang nagsimula tayong mangarap. Parang kailan lang nang sabay-sabay tayong
nagpasyang tahakin ang tuwid na daan. Parang kailan lang nang sinimulan nating
iwaksi ang wang-wang, hindi lamang sa kalsada kundi sa sistemang panlipunan.
Dalawang taon na ang nakalipas mula nang sinabi ninyo,
“Sawa na kami sa korupsyon; sawa na kami sa kahirapan.” Oras na upang ibalik
ang isang pamahalaang tunay na kakampi ng taumbayan.
Gaya ng marami sa inyo, namulat ako sa panggigipit ng
makapangyarihan. Labindalawang-taong gulang po ako nang idineklara ang Batas
Militar. Bumaliktad ang aming mundo: Pitong taon at pitong buwang ipiniit ang
aking ama; tatlong taong napilitang mangibang-bansa ang aking pamilya; naging
saksi ako sa pagdurusa ng marami dahil sa diktadurya. Dito napanday ang aking
prinsipyo: Kung may inaagrabyado’t ninanakawan ng karapatan, siya ang
kakampihan ko. Kung may abusadong mapang-api, siya ang lalabanan ko. Kung may
makita akong mali sa sistema, tungkulin kong itama ito. [Applause]
Matagal nang tapos ang Batas Militar. Tinanong tayo noon:
“Kung hindi tayo, sino pa?” at “Kung hindi ngayon, kailan pa?” Ang nagkakaisang
tugon natin: tayo at ngayon na. Ang demokrasyang ninakaw gamit ang paniniil at
karahasan, nabawi natin sa mapayapang paraan; matagumpay nating pinag-alab ang
liwanag mula sa pinakamadilim na kabanata ng ating kasaysayan.
Ngunit huwag po nating kalimutan ang pinag-ugatan ng
Batas Militar: Kinasangkapan ng diktador ang Saligang Batas upang manatili sa
kapangyarihan. At hanggang ngayon, tuloy pa rin ang banggaan sa pagitan ng
gusto ng sistemang parehas, laban sa mga nagnanais magpatuloy ng panlalamang.
Mula sa unang araw ng ating panunungkulan, walang ibang sumalubong
sa atin kundi ang mga bangungot ng nawalang dekada.
Nariyan po ang kaso ng North Rail. Pagkamahal-mahal na
nga nito, matapos ulitin ang negosasyon, nagmahal pa lalo. Sa kabila nito,
binawasan ang benepisyo. Ang labingsiyam na trainsets naging tatlo, at sa mga
estasyon, mula lima, naging dalawa. Ang masaklap po, pinapabayaran na sa atin
ang utang nito, now na.
Nariyan ang walang pakundangang bonus sa ilang GOCC, sa
kabila ng pagkalugi ng kanilang mga ahensya. Nariyan ang isang bilyong pisong
pinasingaw ng PAGCOR para sa kape. Nariyan ang sistemang pamamahala sa PNP na
isinantabi ang pangangailangan sa armas ng 45 porsiyento ng kapulisan, para
lang kumita mula sa lumang helicopter na binili sa presyong brand new.
Wala na ngang iniwang panggastos, patung-patong at
sabay-sabay pa ang mga utang na kailangang bayaran na. Mahaba ang iniwang
listahan na tungkulin nating punuan: Ang 66,800 na backlog sa classrooms, na
nagkakahalaga ng tinatayang 53.44 billion pesos; ang 2,573,212 na backlog sa
mga upuan, na nagkakahalaga naman ng 2.31 billion pesos. Nang dumating tayo,
may halos tatlumpu’t anim na milyong Pilipinong hindi pa miyembro ng
PhilHealth. Ang kailangan para makasali sila: maaaring umabot sa 42 billion
pesos. Idagdag pa po natin sa lahat ng iyan ang 103 billion pesos na kailangan
para sa modernisasyon ng Hukbong Sandatahan. Sa harap ng lahat ng ito, ang
iniwan sa ating pondo na malaya nating magagamit: 6.5 percent ng kabuuang
budget para sa natitirang anim na buwan ng 2010. Para po tayong boksingerong
isinabak sa laban nang nakagapos na nga ang mga kamay at paa, nakapiring pa ang
mga mata, at kakampi pa ng kalaban ang referee at ang mga judge.
Kaya nga sa unang tatlong buwan ng aming panunungkulan,
inaabangan namin ang pagdating ng Linggo para maidulog sa Panginoon ang mga
bangungot na humaharap sa amin. Inasahan naming mangangailangan ng ‘di bababa
sa dalawang taon bago magkaroon ng makabuluhang pagbabago. Bibigyan kaya tayo
ng sapat na pag-unawa ng taumbayan?
Subalit kung may isang bagay mang nakatatak na sa ating
lahi, at makailang ulit na nating pinatunayan sa buong mundo: Walang hindi
makakaya ang nagkakaisang Pilipino. Nangarap po tayo ng pagbabago; nakamit
natin ang pagbabago; at ngayon, karaniwan na ito. [Applause]
Ang kalsadang pinondohan ninyo ay tuwid, patag, at walang
bukol; ang tanging tongpats ay aspalto o semento. Karaniwan na po ito.
Ang sitwasyon kung paparating ang bagyo: nakaabang na ang
relief, at hindi ang tao ang nag-aabang ng relief. Nag-aabang na ring umalalay
ang rescue services sa taumbayan, at hindi tayo-tayo lang din ang sumasaklolo
sa isa’t isa. Karaniwan na po ito.
Ang wang-wang sa lansangan, galing na lang sa pulis,
ambulansya, o bumbero—hindi sa opisyal ng gobyerno. Karaniwan na rin po ito.
Ang gobyernong dating nang-aabuso, ngayon, tunay na kakampi na ng Pilipino.
[Applause]
Nagpatupad po tayo ng reporma: tinanggal ang gastusing
hindi kailangan, hinabol ang mga tiwali, at ipinakita sa mundong open for
business under new management na ang Pilipinas.
Ang dating sick man of Asia, ngayon, punung-puno na ng
sigla. Nang nagkaroon tayo ng positive credit rating action, ang sabi ng iba,
tsamba. Ngayong walo na po sila, tsamba pa rin kaya? [Applause] Sa Philippine
Stock Exchangeindex, nang una nating nahigitan ang 4,000 na index, may mga
nagduda. Ngayon, sa dami ng all-time high, pati economic managers, nahirapan
yata sa pagbilang, at ako rin po ay nagulat: nakakaapatnapu’t apat na pala
tayo, at bihira nang bumaba sa 5,000 ang index. [Applause] Nito pong first
quarter ng 2012, ang GDP growth natin, 6.4 percent; milya-milya ang layo niyan
sa mga prediksyon, at pinakamataas sa buong Southeast Asian region; pangalawa
po ito sa Asya, sunod lang tayo sa Tsina. [Applause] Kung dati po, tayo ang
laging nangungutang, ngayon, hindi po birong tayo na ang nagpapautang.
[Applause] Dati, namamalimos tayo ng investments; ngayon, sila na ang
dumadagsa. Ang mga kumpanyang Hapon, sa isang pagpupulong, ang sabi ay, “Baka
gusto n’yo kaming silipin. Hindi nga kami ang pinakamura, pero una naman kami
sa teknolohiya.” Pati pinuno ng isang bangko sa Inglatera, kamakailan
nakikiusap maisali sa pila.
Sa bawat sulok ng mundo, nagpapakita ng paghanga ang mga
komentarista. Ayon sa Bloomberg Businessweek, and I quote: “Keep an eye on the
Philippines.” Ang Foreign Policy magazine, pati isa sa mga pinuno ng ASEAN 100,
nagsabing maaari daw tayong maging, and I quote, “Asia’s Next Tiger.”
[Applause] Sabi ni Ruchir Sharma, pinuno ngEmerging Market Equities and Global
Macro ng Morgan Stanley, I quote: “The Philippines is no longer a joke.” At
mukha naman pong hindi siya nambobola, dahil tinatayang isang bilyong dolyar
ang ipinasok ng kanyang kumpanya sa atin pong bansa. [Applause] Sana nga po,
ang kaliwa’t kanang paghanga ng taga-ibang bansa, masundan na ng lokal na
tagapagbalita. [Applause]
Sinisiguro po nating umaabot ang kaunlaran sa mas
nakakarami. Alalahanin po natin: Nang mag-umpisa tayo, may 760,357 na
kabahayang benepisyaryo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Tinarget
[target] natin itong paabutin sa 3.1 million sa loob ng dalawang taon. Pebrero
pa lang po ng taong ito, naiparehistro na ang ikatlong milyong kabahayang
benepisyaryo ng Pantawid Pamilya. [Applause] Sa susunod na taon naman,
palalawakin pa natin ang sakop nito sa 3.8 milyong bahay; limang beses po ang
laki niyan sa dinatnan natin.
Pangmatagalan po ang impact ng proyektong ito. Hindi pa
kumpleto ang mga pag-aaral, pero ngayon pa lang, maganda na ang ipinapakita ng
numero. Base sa listahan ng DSWD: May 1,672,977 na mga inang regular nang
nagpapacheck-up. 1,672,814 na mga batang napabakunahan laban sa diarrhea,
polio, tigdas at iba pa. Four point fifty-seven million na estudyanteng hindi
na napipilitang mag-absent dahil sa kahirapan. [Applause]
Sa kalusugan naman po: Nang dumating tayo, animnapu’t
dalawang porsiyento lamang ng mga Pilipino ang naka-enrol sa PhilHealth. Ang
masaklap, hindi pa masiguro kung lahat sila ay kabilang sa mga totoong
nangangailangan ng kalinga ng estado, o buwenas lang na malapit sa politiko.
Ngayon po, 85 percent ng lahat ng mamamayan, miyembro na nito. [Applause] Ang
ibig pong sabihin, 23.31 million na Pilipino ang naidagdag sa mga saklaw ng
PhilHealth mula nang bigyan tayo ng mandato. [Applause]
Ang maganda pa rito: ang 5.2 million na pinakamahirap na
kabahayang tinukoy ng National Household Targeting System, buong-buo at
walang-bayad nang makikinabang sa benepisyo ng PhilHealth. [Applause] Dahil po
sa No Balance Billing policy ng Department of Health, ang lunas para sa dengue,
pneumonia, asthma, katarata, gayundin ang pagpapagamot sa mga catastrophic
disease tulad ng breast cancer, prostate cancer, at acute leukemia, makukuha na
nang libre ng mga pinakamahirap nating kababayan. [Applause]
Ito po ang proseso ng pagpapagamot para sa kanila:
Papasok ka sa alinmang ospital ng gobyerno. Ipapakita mo ang iyong PhilHealth
card. Magpapagamot ka. At uuwi kang maginhawa nang walang inilabas ni isang
kusing.
Sabi nga po sa isa sa mga briefing na dinaluhan natin,
apat sa sampung Pilipino, hindi man lamang nakakakita ng health professional sa
tanang buhay nila. Sa iba po, mas malaki pa: may nagsasabing anim sa bawat
sampung Pilipino ang pumapanaw nang malayo sa kalinga ng health professional.
Anuman ang ating pagbatayan, hindi po maikakaila: nakakabahala ang bilang ng
mga Pilipinong hindi naaabot ang serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan.
Tinutugunan na po natin ito. Mula sa sampung libo noong dumating tayo, umabot
na sa 30,801 ang mga nurse at midwife na ating nai-deploy sa ilalim ng RNHeals
Program. [Applause] Idagdag pa po natin sa kanila ang mahigit labing-isang
libong Community Health Teams na nagsisilbing tulay upang higit na mapatibay
ang ugnayan ng mga doktor at nurse sa komunidad.
At kung dati tutungo lamang ang mga nurse kung saan
makursunadahan ng kanilang hepe, ngayon, dahil sa tamang targeting, kung saan
sila kailangan, doon sila ipinapadala: [applause] sa mga lugar na matagal nang
naiwan sa laylayan ng lipunan. Ipinadala po ang ating mga health professional
sa 1,021 na pook na saklaw ng Pantawid Pamilya, at sa 609 na pinakamahihirap na
lungsod at munisipyo, ayon sa pag-aaral ng National Anti-Poverty Commission.
[Applause]
Dalawang problema po ang natutugunan nito: bukod sa
nagkakatrabaho at nabibigyan ng work experience ang libu-libong nurse at
midwife na dati ay walang mapaglalaanan ng kanilang kaalaman, nagiging
abot-kamay din ang dekalidad na kalinga para sa milyun-milyon nating kababayan.
Subalit hindi pa po tayo makukuntento rito, dahil ang
hangad natin: kalusugang pangkalahatan. Nagsisimula ito, hindi sa mga
pagamutan, kundi sa loob mismo ng kanya-kanya nating tahanan. Ibayong kaalaman,
bakuna, at checkup ang kailangan upang mailayo tayo sa karamdaman. Dagdag pa po
diyan ang pagsisikap nating iwasan ang mga sakit na puwede namang iwasan.
Halimbawa: Nabanggit ko ang mosquito traps kontra dengue
noong nakaraang taon.Alam naman po ninyo, ang mga syantipiko mahigpit sa
pagsisiyasat. Maaga pa para sabihing siguradong-sigurado na tayo, pero
nakaka-engganyo po ang mga paunang resulta nitong programang ito.
Sinubok natin ang bisa ng mosquito traps sa mga lugar
kung saan naitala ang pinakamataas na insidente ng dengue. Sa buong probinsya
ng Bukidnon noong 2010, may 1,216 na kaso. Nang inilagay ang mga mosquito trap
noong 2011: mukhang nakatulong dahil bumaba ito sa tatlumpu’t pito; 97 percent
raw po ang reduction po ito. Sa bayan ng Ballesteros at Claveria sa Cagayan,
may 228 na kaso ng dengue noong 2010. Pagdating ng 2011, walo na lang ang
naitala. Sa Catarman, Northern Samar: 434 na kaso ng dengue noong 2010, naging
apat na lang noong 2011. [Applause]
Panimulang pag-aaral pa lamang po ito. Pero ngayon pa
lang, marapat na yata nating pasalamatan sina Secretary Ike Ona ng DOH at
Secretary Mario Montejo ng DOST, [Applause] Wala naman tayong masyadong umento,
[palakpak ninyo na lang] para naman ganahan silang lalong magsaliksik at
mag-ugnayan.
Marami pa po tayong kailangang solusyonan. Nakakabahala
ang mataas pa ring maternal mortality ratio ng bansa. Kaya nga po gumagawa tayo
ng mga hakbang upang tugunan ang pangangailangan sa kalusugan ng kababaihan.
Nais din nating makamit ang Universal Health Care, at magkaroon ng sapat na
kagamitan, pasilidad, at tauhan ang ating mga institusyong pangkalusugan.
Sa pagtugon natin sa mga ito, malaki ang maiaambag ng Sin
Tax Bill. Maipasa na po sana ito sa lalong madaling panahon. [Applause]
Mababawasan na ang bisyo, madadagdagan pa ang pondo para sa kalusugan.
Ano naman kaya ang sasalubong sa kabataan pagpasok sa paaralan?
Sa lilim ng puno pa rin kaya sila unang matututo ng abakada? Nakasalampak pa
rin kaya sila sa sahig habang nakikipag-agawan ng textbook sa kaklase nila?
Matibay po ang pananalig natin kay Secretary Luistro:
Bago matapos ang susunod na taon, ubos na ang minana nating 66,800 na
kakulangan sa silid-aralan. [Applause] Ulitin ko po, next year pa po ‘yan;
40,000 pa lang this year. Ang minana po nating 2,573,212 na backlog sa upuan,
tuluyan na rin nating matutugunan bago matapos ang 2012. [Applause] Sa taon din
pong ito, masisimot na rin ang 61.7 million na backlog sa textbook upang maabot
na, sa wakas, ang one is to one ratio ng aklat sa mag-aaral. [Applause] Sana
nga po, ngayong paubos na ang backlog sa edukasyon, sikapin nating huwag uling
magka-backlog dahil sa dami ng estudyante. Sa tingin ko po, Responsible
Parenthood ang sagot dito. [Applause]
At para naman po hindi mapag-iwanan ang ating mga State
Universities and Colleges, mayroon tayong panukalang 43.61 percent na pag-angat
sa kanilang budget para sa susunod na taon. [Applause] Paalala lang po: lahat
ng ginagawa natin, may direksyon; may kaakibat na kondisyon ang dagdag-budget
na ito. Kailangang ipatupad ang napagkasunduang SUC Reform Roadmap ng CHED at
ng kaukulang state colleges and universities, upang siguruhing dekalidad ang
magiging produkto ng mga pamantasang pinopondohan ng estado. Kung mataas ang
grado ninyo sa assignment na ito, asahan ninyong dodoblehin din namin ang kayod
para matugunan ang mga natitirang pangangailangan po ninyo. [Applause]
Panay addition po ang nagaganap sa ating budget sa
edukasyon. Isipin po ninyo: ang budget ng DepEd na ipinamana sa atin noong
2010, 177 billion pesos. Ang panukala natin para sa 2013: 292.7 billion pesos.
[Applause] Noong 2010, 21.03 billion pesos ang budget para sa SUCs. Taunan po
iyang dinagdagan upang umabot na sa 37.13 billion pesos na panukala natin para
sa 2013. [Applause] Pero sa kabila nito, ngayon pa lang, may nagpaplano nang
magcut-classes para mag-piket sa Mendiola. Ganito po kasimple: ang 292.7 ay mas
malaki sa 177, at ang 37.13 ay mas malaki sa 21.03. Kaya kung may magsasabi pa
ring binawasan natin ang budget ng edukasyon, kukumbinsihin na lang namin ang
inyong mga paaralan na maghandog ng remedial math class para sa inyo. [Laughter
and applause] At sana po, sa mga klaseng iyon, pakiusap po, pasukan naman
ninyo.
Nang maupo tayo, at masimulan ang makabuluhang reporma,
minaliit ng ilan ang pagpapakitang-gilas ng pamahalaan. Kundi raw buwenas,
ningas-kugon lang itong mauupos rin paglaon. May ilan pa rin pong ayaw
magretiro sa paghahasik ng negatibismo; silang mga tikom ang bibig sa good
news, at ginawang industriya na ang kritisismo.
Kung may problema kayo na bago matapos ang taon, bawat
bata ay may sarili nang upuan at aklat, tingnan ninyo sila, mata sa mata, at
sabihin ninyong, “Ayaw kong makapag-aral ka.”
Kung masama ang loob ninyo na ang 5.2 million na
pinakamahihirap na kabahayang Pilipino ay maaari nang pumasok sa ospital nang
hindi iniintindi ang gastos sa pagpapagamot, tingnan ninyo sila ulit, mata sa
mata, at sabihin ninyong, “Ayaw kong gumaling ka.”
Kung nagagalit kayo na may tatlong milyong pamilyang
Pilipino nang tumutungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap dahil sa Pantawid
Pamilya, tingnan ninyo sila, mata sa mata, at sabihin ninyong, “Ibabalik ko
kayo sa kawalan ng pag-asa.” [Applause]
Tapos na ang panahon kung kailan choice lang ng
makapangyarihan ang mahalaga. Halimbawa, ang dating namumuno sa TESDA,
nagpamudmod ng mga scholarship voucher; ang problema, wala palang nakalaang pondo
para rito. Natural, tatalbog ang voucher. Ang napala: 2.4 billion pesos ang
sinisingil ng mahigit isanlibong eskwelahan mula sa pamahalaan. Nagpapapogi ang
isang tao’t isang administrasyon; sambayanang Pilipino naman ang pinagbabayad
ngayon.
Pumasok si Secretary Joel Villanueva; [applause] hindi
siya nagpasindak sa tila imposibleng pagbabagong dapat ipatupad sa kanyang
ahensya. Sa kabila ng malaking utang na minana ng TESDA, 434,676 na indibidwal
pa rin ang kanilang hinasa sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program.
[Applause] Kongkretong tagumpay din po ang hatid ng TESDA Specialista
Technopreneurship Program (mas mahirap pong bigkasin kaysa sa resulta). Biruin
po ninyo: Bawat isa sa 5,240 na sertipikadong Specialistas, kumikita na ngayon
ng 562 pesos kada araw o 11,240 pesos kada buwan. Mas malaki pa po ito sa
minimum wage. [Applause]
Mula sa pagkasanggol, hanggang sa pagkabinata, gumagana
na ang sistema para sa mamamayan. Sinisiguro nating manganganak ng trabaho ang
pagsigla ng ating ekonomiya.
Alalahanin po natin: para tumabla lang, kailangang
makalikha taun-taon ng isang milyong bagong trabaho para sa mga new entrants.
Ang nalikha po natin sa loob ng dalawang taon: halos 3.1 million na bagong
trabaho. [Applause]
Ito po ang dahilan kung bakit pababa nang pababa ang
unemployment rate sa bansa. Nang dumating tayo, eight percent ang unemployment
rate. Naging 7.2 ito noong Abril ng 2011, at bumaba pa lalo sa 6.9 ngayong
taon, sa buwan rin ng Abril. ‘Di po ba makatwirang mangarap na balang araw, bawat
Pilipinong handang magbanat ng buto, may mapapasukang trabaho?
Tingnan na lamang po natin ang BPO sector. Noong taong
2000, limanlibo katao lang ang naempleyo sa industriyang ito. Fast forward po
tayo: 638,000 katao na ang nabibigyang trabaho ng mga BPO, at labing-isang
bilyong dolyar ang ipinasok nito sa ating ekonomiya noong taong 2011. Ang
projection nga po, pagdating ng 2016, kung saan ako po ay magpapaalam na sa
inyo, 25 billion dollars na ang maipapasok nito, at makakapag-empleyo ng 1.3
million na Pilipino. [Applause] Hindi pa po kasama rito ang tinatayang aabot sa
3.2 million na mga taxi driver, barista, mga sari-sari store, karinderya, at
marami pang ibang makikinabang sa mga indirect jobs na malilikha dahil sa BPO
industry.
Malaking bahagi din po ng ating job-generation strategy
ang pagpapatayo ng sapat na imprastruktura. Sa mga nakapagbakasyon na sa
Boracay, nakita na naman ninyo ang bagong-binyag nating terminal sa Caticlan.
Nakalatag na rin po ang plano upang palawakin ang runway nito.
Magkakaroon pa po ‘yan ng mga kapatid: bago matapos ang
aking termino, nakatayo na ang New Bohol Airport sa Panglao, [applause] New
Legaspi Airport sa Daraga, at Laguindingan Airport sa Misamis Oriental.
[Applause] Ia-upgrade na rin po natin ang ating international airports sa
Mactan, Puerto Princesa, at Tacloban. [Applause] Dagdag pa po diyan ang
pagpapaganda ng mga airport sa Butuan, Cotabato, Dipolog, Pagadian, Tawi-Tawi,
Southern Leyte, at San Vicente sa Palawan. [Applause] Kami po sa Tarlac ay
maghihintay na lang. [Laughter]
Pang-apat na Pangulo na po akong sasalo sa problema ng
NAIA 3. Hindi lang po eroplano ang nag-take off at nag-landing dito: maging mga
problema’t anomalya, lumapag din. Nagbitiw na po ng salita si Secretary Mar
Roxas: bago tayo magkita sa susunod na SONA, maisasaayos na ang mga structural
defects na minana natin sa NAIA 3. [Applause]
Nitong Hunyo po, nagsimula na ring umusad ang proseso
para sa LRT Line 1 Cavite Extension project, na magpapaluwag sa trapik sa Las
Piñas, Parañaque, at Cavite. [Applause] Dagdag pa diyan, para lalong mapaluwag
ang traffic sa Kamaynilaan at mapabilis ang pagtawid mula North Luzon hanggang
South Luzon Expressway, magkakaroon ng dalawang elevated NLEX–SLEX connector.
Matatapos po ang mga ito sa 2015. [Applause] Magiging one hour and 40 minutes
na lang ang biyaheng Clark papuntang Calamba oras na makumpleto ang mga ito.
Bago po tayo bumaba sa puwesto, nakatayo na rin ang mga dekalidad na terminal
sa Taguig, Quezon City, at Parañaque na paparadahan ng bus biyaheng probinsya,
[applause] upang hindi na sila makisiksik pa sa EDSA.
Nagbago na po ang takbo ng usapan tungkol sa ahensyang
dati’y itinuturing na pugad ng kapalpakan. Naalala ko po dati: Kapag tag-ulan
at umapaw ang Tarlac River, nalulunod ang MacArthur Highway. Tutunawin nito ang
aspalto; magbabaku-bako ang kalsada hanggang sa tuluyan na nga itong mawawala.
Bilang kinatawan noon ng aking distrito, inireklamo ko po ito. Ang tugon ng
DPWH: alam namin ang problema, alam namin ang solusyon, pero wala kaming pera.
Kinailangan ko pong makiusap sa aking mga barangay, at ang sabi ko po sa kanila
ay “Kung hindi natin ito uunahin, walang gagawa nito, at tayo rin ang
mapeperhuwisyo.” Dati, panay ang “hoy, gising!” sa gobyerno, bakit wala daw
kasing ginagawa. Ngayon ang reklamo, “sobra namang trapik, ang dami kasing
ginagawa.” [Laughter and applause] Paalala lang din po: naisasaayos na natin
ang mga kalsadang ito nang hindi nagtataas ng buwis. [Applause]
Bubuo tayo ng mga daanan, hindi ayon sa kickback o
kursonada, pero ayon sa isang malinaw na sistema. Dahil hindi na bara-bara ang
paglalagak natin ng pondo para sa mga proyekto, hindi na ito mapapako sa plano,
totoong kalsada na ang pakikinabangan ng Pilipino. Nang maupo po tayo sa
puwesto, 7,239 kilometers sa ating national road network ang hindi pa
naisasaayos. 1,569 kilometers na nito ang naipaayos natin sa ilalim ng
pamamahala ni Secretary Babes Singson; [applause] sa 2012—2,275 kilometers pa
ang maidadagdag na natapos na rin po. Pati po ang mga kalsada at kurbadang
mapanganib, tinutukoy at inaayos na gamit ang teknolohiya. Taun-taon po nating
bubunuin ito, upang bago matapos ang aking termino, bawat pulgada ng ating
national road network, maayos na po. Siyempre ‘wag la lang po n’yo dagdagan ang
national road network.
Hindi lang kalsada, kundi pati sistema, isinasaayos sa
DPWH. Dahil sa pagsunod sa tamang proseso ng bidding at procurement, 10.6
billion pesos na ang natipid ng kanilang ahensya mula 2011 hanggang nitong
Hunyo. [Applause] Maging mga kontratista, batid ang positibong bunga ng reporma
sa DPWH. Sabi nga po nila, “ang top 40 na kontratista, fully booked na raw po.”
Sana po hindi maantala ang pagpapatayo natin ng iba pang
imprastraktura para hindi rin mapurnada ang paglago ng ibang industriya.
Kaakibat ng pagpapaunlad ng imprastruktura ang paglago ng
turismo. Isipin po ninyo: Noong 2001, ang tourist arrivals sa ating bansa, 1.8
million. Nang dumating po tayo noong 2010, naglalaro ito sa 3.1 million.
Mantakin po ninyo: sa hinaba-haba ng kanilang administrasyon, ang naidagdag
nilang tourist arrivals, 1.3 million lamang; may ambag pa kaming kalahating
taon diyan. Tayo naman po, Hunyo pa lang ng 2012—2.1 million na turista na ang
napalapag. [Applause] Mas marami pang dadagsa sa peak season bago matapos ang
taon, kaya hindi ako nagdududang maaabot natin ang quota na 4.6 million na
turista para sa 2012. [Applause] Ibig sabihin po: 1.5 million na turista ang
ating maidadagdag. Samakatuwid, sa dalawang taon, mas malaki ang magiging
paglago ng ating tourist arrivals, kumpara sa naidagdag ng pinalitan natin sa
loob ng siyam at kalahating taon. Hindi po tayo nagtataas ng bangko; nagsasabi
lang po tayo ng totoo. [Applause]
Pero hindi nakuntento rito si Secretary Mon Jimenez. Sabi
niya, kung sa Malaysia may bumisitang 24.7 million na turista noong 2011, at
kung sa Thailand naman tinatayang 17 million, sa dinami-rami ng magagandang
tanawin sa ating bansa, hindi naman siguro suntok sa buwan kung mangarap tayong
pagdating ng 2016, sampung milyong turista na ang bibisita sa Pilipinas kada taon.
[Applause] Kung patuloy na magkakaisa ang sambayanang Pilipino, gaya ng
ipinamalas nating hirangin ang Puerto Princesa Underground River bilang isa sa
New Seven Wonders of Nature, walang dudang makakamtan natin ito. Ang pahayag
nga po natin sa daigdig: “It’s more fun in the Philippines.” [Applause] Kahit
wala pang isang taon sa puwesto si Secretary Mon Jimenez, nagagapas na natin
ang positibong bunga ng ating mga naipunlang reporma. Masasabi nga po nating
pagdating sa turismo, “It’s really fun—to have Secretary Mon Jimenez as our
Secretary.” [Applause]
Kung paglago po ang usapan, nasa tuktok ng listahan ang
agrikultura. Kayod-kalabaw po si Secretary Alcala upang makapaghatid ng
mabubuting balita. Dati, para bang ang pinapalago ng mga namumuno sa DA ay ang
utang ng NFA. Twelve billion pesos ang minana nilang utang; ang ipinamana naman
nila sa atin, 177 billion pesos.
Hindi po ba’t noon, pinaniwala tayo na 1.3 million metric
tons ang kakulangan sa bigas, at para tugunan ito, ‘di bababa sa two million
metric tons ang kanilang inangkat noong 2010. Parang unlimited rice sila kung
maka-order ng bigas, pero dahil sobra-sobra, nabubulok lang naman ito sa mga
bodega. Ang 1.3 million metric tons, unang taon pa lang, napababa na natin sa
860,000 metric tons. [Applause] Ngayong taon, 500,000 na lang, kasama pa ang
buffer sakaling abutin tayo ng bagyo. [Applause] Huwag lang po tayong
pagsungitan ng panahon, harinawa, sa susunod na taon ay puwede na tayong
mag-export ng bigas. [Applause]
Ang sabi po ni Secretary Alcala: ang susi dito,
makatotohanang programa sa irigasyon, at masigasig na implementasyon ng
certified seeds program. [Applause] Ang masakit po, hindi bagong kaalaman ito;
hindi lang ipinapatupad. Kung dati pa sila nagtrabaho nang matino, nasaan na
kaya tayo ngayon?
Tingnan rin po natin ang industriya ng niyog at ang
cocowater na dati tinatapon lang, ngayon, napapakinabangan na ng magsasaka.
Noong 2009—483,862 liters ng cocowater ang iniluwas natin. Umangat po ito ng
1,807,583 liters noong 2010. Huwag po kayong magugulat: noong 2011: 16,756,498
liters [applause]—puwede ho bang ulitin iyon?—16,756,498 liters ng cocowater
ang in-export ng Pilipinas. Ang coco coir naman, kung dati walang pumapansin,
ngayon may shortage na dahil pinapakyaw ng mga exporter. Hindi natin sasayangin
ang pagkakataong ito: bibili pa tayo ng mga bagong makinang magpoproseso ng
bunot para makuha ang mga hiblang ginagawa mula sa coco coir. Sa susunod na
taon, lalo nating mapapakinabangan ang industriya ng niyog: Naglaan na tayo ng
1.75 billion pesos upang mamuhunan at palaguin ito. [Applause]
Sinimulan po ng aking ina ang Comprehensive Agrarian
Reform Program. Nararapat lamang na matapos ang programang ito sa panahon ng
aking panunungkulan. [Applause]
Isinasaayos na po ang sistema upang mapabilis ang
pagpapatupad ng repormang agraryo. Ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng hakbang
upang maipamahagi sa ating magsasaka ang mga lupaing diniligan at pinagyaman ng
kanilang pawis. Subalit mayroon pa rin pong ayaw paawat sa pagtatanim ng mga
balakid. Ang tugon ko sa kanila: susunod tayo sa batas. Ang atas ng batas, ang
atas ng taumbayan, at ang atas ko: Bago ako bumaba sa puwesto, naipamigay na
dapat ang lahat ng lupaing sakop ng CARP. [Applause]
Liwanagin naman po natin ang nangyayari sa sektor ng
enerhiya. Mantakin po ninyo: Dati po, umabot lang ang kawad ng kuryente sa
barangay hall, “energized” na raw ang buong barangay. Kaya ganun na lang kung
ipagmalaki nilang 99.98 percent na raw ng mga barangay sa bansa ang may
kuryente. Pati ba naman sa serbisyong dapat ay matagal nang napapakinabangan ng
Pilipino, nagkakagulangan pa? Kaya nga po, para subukan ang kakayahan ng DOE at
NEA, naglaan tayo ng 1.3 billion pesos para pailawan ang unang target na 1,300
sitios, sa presyong isang milyong piso bawat isa. Nang matapos sila, ang
napailawan sa inilaan nating pondo: 1,520 sitios, at gumastos lamang sila ng
814 million pesos. [Applause] Nagawa nila ito sa loob lamang ng tatlong buwan,
at mas marami pa pong gagawin dito hangga’t matapos ang 36,000 sitios, na
dati’y inaabot ng dalawang taon. Kay Secretary Rene Almendras, bilib talaga ako
sa iyo; parang hindi ka nauubusan ng enerhiya. Sa paghahatid-serbisyo, hindi ka
lang eveready, nagmistulang energizer bunny ka pa—you keep on going, and going,
and going. [Applause]
Nangingibabaw na nga po ang liwanag sa ating
bayan—liwanag na nagsiwalat sa krimeng nagaganap sa madidilim na sulok ng
lipunan. Ang pinagsisikapang kitain ng Pilipino, hindi na magagantso. Patuloy
po ang pagbaba ng crime volume sa buong bansa. Ang mahigit limandaan libong
krimen na naitala noong 2009, mahigit kalahati po ang nabawas: 246,958 na
lamang iyan nitong 2011. Dagdag pa rito: ang dating dalawanlibo’t dalawandaang
kaso ng carnapping noong 2010, lampas kalahati rin ang ibinaba: 966 na lang po
iyan pagdating ng 2011.
Ito nga po sana ang dalhin ng ating mga headline. Hindi
po natin sinasabing wala nang krimeng nagaganap, pero palagay ko naman po, wala
dapat magalit na nangalahati na ito. Si Raymond Dominguez na matagal nang
labas-masok sa kulungan, hindi ba’t sa loob lamang ng mahigit isang taon,
nasentensyahan at naipakulong na? Ang dalawa pa niyang kapatid ay sinampahan na
rin natin ng kaso at kasalukuyan na ring nakabilanggo. May dalawang suspect sa
bus bombing sa Makati noong nakaraang taon, ang isa po’y pumanaw na; ‘yung isa,
humihimas na ng rehas. Kakosa niya ang mahigit sampung libong sangkot sa ilegal
na droga na inaresto ng PDEA nitong 2011. [Applause]
Alam po nating hindi araw-araw ang laban ni Pacman, at
hindi puwedeng iasa dito ang pagbaba ng krimen. Kaya nga po pinalalakas natin
ang puwersa ng kapulisan. ‘Di po ba, nang dumating tayo, apatnapu’t limang
porsyento ng ating kapulisan ang walang baril at umaasa sa anting-anting habang
tumutugis ng masasamang-loob? [Laughter] May nanalo na po sa bidding, tinitiyak
na lamang nating dekalidad ang kanilang mga produkto. Pagkatapos ng proseso, at
itong taon po nating inaasahan ito, maipagkakaloob na ang 74,600 na baril na
magagamit nila upang ipagtanggol at alagaan ang bayan, lipunan, at sarili.
[Applause]
Dumako naman po tayo sa usapin ng pambansang tanggulan.
May mga nagsabi na po na ang ating Air Force, “all air, at no force.”
[Laughter] Imbes na alagaan ng estado, para bang sinasadyang ilagay sa
alanganin ang ating mga sundalo. Hindi po tayo makakapayag na manatiling
ganito.
Makalipas nga lang po ang isang taon at pitong buwan,
nakapaglaan na tayo ng mahigit dalawampu’t walong bilyong piso para sa AFP
Modernization Program. Aabutan na nito ang tatlumpu’t tatlong bilyong pisong
pondo na ipinagkaloob sa nasabing programa sa nakalipas na labinlimang taon.
[Applause] Bumubuwelo pa lang po tayo sa lagay na ‘yan: kapag naipasa na ang
panukala nating AFP modernization bill sa Kongreso, makakapaglaan tayo ng
pitumpu’t limang bilyong piso para sa susunod na limang taon.
Kasado na rin po ang tatlumpung milyong dolyar na pondong
kaloob ng Estados Unidos para sa Defense Capability Upgrade and Sustainment of
Equipment Program ng AFP. Bukod pa po ito sa tulong nila upang pahusayin pa ang
pagmanman sa ating mga baybayin sa ilalim ng itatayong Coast Watch Center ng
Pilipinas.
Nagka-canvass na rin po ang Sandatahang Lakas ng mga
kagamitan tulad ng mga kanyon, armored personnel carrier, at frigates. Hindi
magtatagal, dadaong na ang karelyebo ng BRP Gregorio del Pilar sa ating
pampang. Sa Enero, aangkla na po sa Pilipinas ang BRP Ramon Alcaraz, ang
pangalawa nating Hamilton class cutter. ‘Di na po bangkang papel ang ating
ipapalaot; [applause] ngayon po, mga hi-tech at dekalidad na barko na ang
tatanod sa 36,000 kilometers nating coastline.
Mainam na rin po siguro kung maglilinis-linis na ng mga
hangar ang ating Sandatahang Lakas, dahil darating na ang mga kagamitang lalong
magpapatikas sa ating tanggulan. Sa wakas, may katuwang na po ang kaisa-isa
nating C-130 na tatlumpu’t anim na taon nang rumoronda sa himpapawid: dalawa
pang C-130 ang magiging operational ulit sa taong ito. Bago matapos ang taong
ito, inaasahan nating mai-dedeliver na ang binili nating dalawampu’t isang
refurbished UH-1H Helicopter, apat na combat utility helicopters, mga radyo’t
iba pang communication equipment, rifles, mortars, mobile diagnostic
laboratories, kasama na ang bullet station assembly. [Applause] Pagdating naman
po ng 2013, lalapag na ang sampung attack helicopters, dalawang naval
helicopters, dalawang light lift aircraft, isang frigate, at mga force
protection equipment. [Applause]
At hindi lang po natin sa armas ipinaparamdam ang
pagkalinga sa ating pulis at kasundaluhan. Nabawasan na rin po ang mga pasanin
nila sa pamumuhay dahil sa mahigit dalawampu’t dalawang libong bahay ang
naipatayo na sa ilalim ng AFP–PNP housing program. [Applause]
Hindi po ito tungkol sa pakikipaggirian o
pakikipagmatigasan. Hindi ito tungkol sa pagsisiga-sigaan. Tungkol ito sa
pagkamit ng kapayapaan. Tungkol ito sa kakayahan nating ipagtanggol ang ating
sarili—isang bagay na kaytagal nating inisip na imposible. Tungkol po ito sa
buhay ng isang sundalong araw-araw sumasabak sa peligro; tungkol ito sa pamilya
niyang nag-aabang na makabalik siyang ligtas, ano man ang kanyang makaharap.
Hayaan po nating ang ilang mga benipisyaryo ang magbigay ng kani-kanilang mga
kuwento:
[Video]
At ngayon ngang inaaruga na sila ng taumbayan, lalo
namang ginaganahan ang ating kasundaluhan na makamtan ang kapayapaan. Tagumpay
pong maituturing ang dalawandaan at tatlong rebeldeng sumuko at nagbabalik-loob
na sa lipunan, at ang 1,772 na bandidong nawakasan na ang karahasan. Halimbawa
po ang kilabot na teroristang si Doctor Abu, na hindi na makakapaghasik ng
kaniyang lagim. Nagpupugay rin po tayo sa panunumbalik ng katahimikan sa mga
lugar na matagal nang biningi ng putukan. Ang resulta nga po ng bayanihan: 365
na barangay ang naagaw sa kamay ng kaaway, 270 na gusali’t paaralan ang
naipaayos, at 74 health centers ang naipagawa. [Applause]
Kung kapayapaan na lang din po ang usapan, dumako naman
tayo sa lugar na matagal naging mukha ng mga mithiing ‘di makamtan-kamtan. Bago
po magsimula ang mga reporma natin sa ARMM, at alam naman po n’yo, may mga
ghost students doon, na maglalakad sa isang ghost road, tungo sa isang ghost
school, para magpaturo sa isang ghost teacher. Ang mga aparisyon pong
gumulantang kay OIC Governor Mujiv Hataman: [applause] Apat na eskuwelahan na
natagpuang may ghost students; iniimbestigahan na rin ang mga teacher na hindi
lumilitaw ang pangalan sa talaan ng Professional Regulation Commission,
gayundin ang mga tauhan ng gobyernong hindi nakalista sa plantilya. Limampu’t
limang ghost entry ang tinanggal sa payroll. Ang dating paulit-ulit na
pagsasaboy ng graba sa kalsada para lang pagkakitaan ng pera, bawal na. Wala
nang cash advance sa mga ahensya, para maiwasan ang pagsasamantala. Ang mga
multo sa voters list, mapapatahimik na ang kaluluwa. [Applause] Kaya nga po kay
OIC Gov. Mujiv Hataman, ang masasabi natin: talaga namang isa ka nang certified
ghost buster.
Ang pumalit po, at pinapalit na: pabahay, tulay, at
learning center para sa mga Badjao sa Basilan. Mga community-based hatchery,
lambat, materyales para maglinang ng seaweeds, at punlang napakinabangan ng
2,588 na mangingisda. Certified seeds, punla ng gabi, cassava, goma, at mga
punong namumunga para sa 145,121 na magsasaka. Simula pa lang po iyan: nakalaan
na ang 183 million pesos para sa mga municipal fishing port projects sa ARMM;
310.4 million pesos para sa mga istasyon ng bumbero; 515 million pesos para sa
malinis na inuming tubig; 551.9 million pesos para sa mga kagamitang
pangkalusugan; 691.9 million pesos para sa daycare centers; at 2.85 billion
pesos para sa mga kalsada at tulay na babagtas sa rehiyon. Ilan lang po iyan sa
patutunguhan ng kabuuang 8.59 billion pesos na ipinagkaloob ng pambansang
gobyerno para isakatuparan ang mga reporma sa ARMM. [Applause] Lilinawin ko rin
po: hindi pa kasama rito ang taunang suportang natatanggap nila, na ngayong
2012 ay umabot sa 11.7 billion pesos. [Applause]
Miski po ang mga dating gustong tumiwalag, nakikita na
ang epekto ng reporma. Kinikilala natin bilang pahiwatig ng kanilang tiwala ang
nakaraang pitong buwan, kung kailan walang nangyaring sagupaan sa pagitan ng
militar at ng MILF. Sa peace process naman po: hayag at lantaran ang usapan;
nagpapamalas ang magkabilang panig ng tiwala sa isa’t isa. Maaaring minsan,
magiging masalimuot ang proseso; signos lang po ito na malapit na nating makamit
ang nag-iisa nating mithiin: Kapayapaan.
Mapayapang pag-uusap rin po ang prinsipyong isinulong
natin upang mabuo ang ating Executive Order ukol sa pagmimina. Ang kaisipan sa
likod ng nabuong consensus: mapakinabangan ang ating likas na yaman upang iangat
ang buhay ng Pilipino, hindi lamang ngayon kundi pati na rin sa susunod na
salinlahi. Hindi natin pipitasin ang ginintuang bunga ng industriyang ito, kung
ang magiging kabayaran ay ang pagkasira ng kalikasan. [Applause]
Ngunit unang hakbang lamang ito. Isipin po ninyo: Noong
2010, 145 billion pesos ang kabuuang halaga na nakuha mula sa pagmimina,
subalit 13.4 billion pesos lamang o siyam na porsyento ang napunta sa kaban ng
bayan. Ang likas na yaman, pag-aari ninyo; hindi tayo papayag na balato lang ang
mapupunta sa Pilipino. Umaasa po tayo sa pakikiisa ng Kongreso upang
makapagpasa ng batas na sisigurong napapangalagaan ang kalikasan at matitiyak
na makatarungan ang magiging pakinabang ng publiko at pribadong sektor sa mga
biyayang makukuha natin mula sa industriyang ito. [Applause]
Pag-usapan po natin ang situwasyon sa Disaster Risk
Reduction and Management. Dati, ang gobyernong dapat tumutulong, nanghihingi
rin ng tulong. Ngayon, nasa Pasipiko pa lang ang bagyo, alam na kung saan
idedestino ang ayuda, at may malinaw nang plano upang maiwasan ang peligro.
Tuwing pag-uusapan nga po ang sakuna, lagi kong naaalala
ang nangyari po sa amin sa Tarlac noong minsang bumagyo. Sa lakas ng ulan,
bumigay ang isang dike. Nang nagising ang isang barangay captain, tinangay na
ng baha ang kanyang pamilya at mga kagamitang pangsaka. Buti nga po’t
nakaligtas ang buong mag-anak. Malas lang po ng kalabaw nilang naiwang nakatali
sa puno; nabigti ito sa lakas ng ragasa.
Walang kalaban-laban din po ang marami sa tinamaan ng bagyong
Ondoy, Pepeng, at Sendong. Napakarami pong nasawi sa paghagupit ng mga
delubyong ito. Sa ilalim ng bagong-lunsad na Project NOAH, isinakay natin sa
iisang bangka ang mga inisyatiba kontra-sakuna, at hindi na rin po idinadaan sa
tsamba ang paglilikas sa mga pamilya. Gamit ang teknolohiya, nabibigyan na ng
wastong babala ang Pilipino upang makapaghanda at makaiwas sa disgrasya.
Real-time at direkta na ang pakinabang ng walumpu’t anim
na automated rain gauges at dalawampu’t walong water level monitoring sensors
natin sa iba’t ibang rehiyon. Bago matapos ang 2013, ang target natin:
animnaraang automated rain gauges at apatnaraan at dalawampu’t dalawang water
level sensors. Ipapakabit po natin ang mga ito sa labingwalong pangunahing
river basins sa buong bansa. [Applause]
Isa pa pong pagbabago: Dati, ang mga ahensya’y
kanya-kanyang habulan ng numero, kanya-kanyang agenda, kanya-kanyang pasikatan.
Ngayon, ang kultura sa gobyerno: bayanihan para sa kapakanan ng taumbayan.
Convergence po ang tawag natin dito.
Dati pa naman po naglipana ang mga programa sa tree
planting. Pero matapos magtanim, pababayaan na lang ang mga ito. Kapag nakita
ng mga komunidad na naghahanap din ng kabuhayan, puputulin ang mga ito para
gawing uling.
May solusyon na po rito. Mayroon na pong 128,558 hectares
ng kagubatang naitanim sa buong bansa; bahagi lang po iyan ng kabuuang 1.5
million na ektaryang matatamnan bago tayo bumaba sa puwesto. [Applause]
Nakapaloob po rito ang mga komunidad na nasa ilalim ng National Convergence
Initiative. Ang proseso: pagkatanim ng puno, makikipag-ugnayan ang DSWD sa mga
komunidad. Kapalit ng conditional cash transfer, aalagaan ang mga puno; mayroon
ding mga magpapalago ng bagong punla sa nursery. 335,078 na po ang mga
Pilipinong nakakakuha ng kabuhayan mula dito.
Sa isa nga pong programa, nakiambag din ang pribadong
sektor, na nagbibigay ng espesyal na binhi ng kape at cacao sa komunidad, at
tinuturuan silang alagaan at siguruhing mataas ang ani. Itinatanim ang kape sa
lilim ng mga puno, na habang nakatayo ay masisigurong hihigop ng baha at
tutulong makaiwas tayo sa pinsala. Ang kumpanyang nagbigay ng binhi, sure buyer
na rin ng ani. Panalo po ang mga komunidad nay may dagdag kita, panalo ang
pribadong sektor, panalo pa ang susunod na salinlahing makikinabang sa
matatayog na puno. [Applause]
Matagal na pong problema ang illegal logging. Mula nga po
nang lumapag ang EO 23, nakasabat na si Mayor Jun Amante ng mahigit anim na
milyong pisong halaga ng troso. Nagpapasalamat tayo sa kanya. Sa Butuan pa lang
ito; paano pa kung magpapakita ng ganitong political will ang lahat ng LGU?
Ang mga trosong nakukumpiska ng DENR, lalapag sa mga
komunidad na naturuan na ng TESDA ng pagkakarpintero. Ang resulta: upuan para
sa mga pampublikong paaralan na hawak naman ng DepEd. Isipin po ninyo: ang
dating pinagmumulan ng pinsala, ngayon, tulay na para sa mas mabuting
kinabukasan. Dati, imposible nga ito: Imposible kung nagbubulag-bulagan ang
pamahalaan sa ilegal na gawain.
Kaya kayong mga walang konsensya; kayong mga paulit-ulit
isinusugal ang buhay ng kapwa Pilipino: maghanda na kayo. Tapos na ang maliligayang
araw po ninyo. [Applause] Sinampolan na natin ang tatlumpu’t apat na kawani ng
DENR, isang PNP provincial director, at pitong chief of police.
Pinagpapaliwanag na rin po natin ang isang Regional Director ng PNP na
nagbingi-bingihan sa aking utos at nagbulag-bulagan sa mga dambuhalang trosong
dumaan sa kanilang tanawin. Kung hindi kayo umayos, isusunod namin kayo.
Magkubli man kayo sa ilalim ng inyong mga padrino, aabutan namin kayo. Isasama
na rin namin ang mga padrino ninyo. [Applause] Kaya bago pa magkasalubong ang
ating landas, ako po’y muling makikiusap, mas maganda sigurong tumino na kayo.
Mula sa sinapupunan, sa pag-aaral at pagtatrabaho, may
pagbabago nang haharap sa Pilipino. At sakaling piliin niyang magserbisyo sa
gobyerno, tuloy pa rin ang pag-aaruga ng estado hanggang sa kanyang
pagreretiro. Tatanawin ng pamahalaan ang kanyang ambag bilang lingkod-bayan, at
hindi ipagdadamot sa kanya ang pensiyong siya rin naman ang nagpuhunan.
Isipin po ninyo, at ako po’y nagulat dito: may mga pensyonado
tayong tumatanggap ng 500 pesos lamang kada buwan. Paano kaya niya ito
pagkakasiyahin sa tubig, kuryente, at pagkain araw-araw? Ang atin pong tugon:
Pagsapit ng bagong taon, hindi na bababa sa limanlibong piso ang matatanggap na
buwanang pensyon ng ating old-age and disability pensioners. [Applause] Masaya
tayong matutugunan natin ang pangangailangan nila ngayon, nang hindi isinusugal
ang kapakanan ng mga pensyonado bukas.
Iba na po talaga ang mukha ng gobyerno. Sumasabay na po
sa pribadong sektor ang ating pasahod para sa entry level. Pero kapag sabay
kayong na-promote ng kaklase mong piniling mag-pribado, nagkakaiwanan na.
Mahahabol din po natin iyan; pero sa ngayon, ang good
news natin sa mga nagtatrabaho sa pamahalaan: Performance-Based Incentives. Dati,
miski palpak ang palakad ng isang ahensya, very satisfactory pa rin ang
pinakamababang rating ng empleyado. Dahil sa pakikisama, nahihirapan ang bisor
na bigyan ng makatarungang rating ang mga tauhan niya. Nakakawawa tuloy ang mga
mahusay magtrabaho; nawawalan sila ng dahilan para galingan dahil parehas lang
naman ang insentibo ng mga tamad at pursigido.
Heto po ang isa lamang sa mga hakbang natin upang tugunan
ito. Simula ngayong taon, magpapatupad tayo ng sistema kung saan ang bonus ay
nakabase sa pagtupad ng mga ahensya sa kanilang mga target para sa taon.
[Applause] Nasa kamay na ng empleyado ang susi sa kanyang pag-angat. Ang
insentibo, maaaring umabot ng tatlumpu’t limang libong piso, depende sa
pagpapakitang-gilas mo sa iyong trabaho. Dagdag pa ito sa across-the-board na
Christmas bonus na matatanggap mo.
Ginagawa natin ito, hindi lamang para itaas ang
kumpiyansa at ipakita ang pagtitiwala natin sa ating mga lingkod-bayan. Higit
sa lahat, para ito sa Pilipinong umaasa sa tapat at mahusay na serbisyo mula sa
lingkod-bayan, at umaasang sila at sila lamang ang itinuturing na boss ng
kanilang pamahalaan.
Alam po niyo, sa simula pa lang mayroon nang mga
kumuwestiyon sa sinasabi nating, “Kung walang corrupt, walang mahirap.”
Hanggang ngayon mayroon pa rin pong mangilan-ngilang nagtatanong: nakakain ba
ang mabuting pamamahala? Ang simpleng sagot, “Siyempre.”
Isipin po natin ang ating pinanggalingan: Dati, parang
“Wild West” ang pamumuhunan sa Pilipinas. May peligro na nga ang negosyo,
sinagad pa ang risko dahil sa di tiyak at nakalihim na patakaran. Kakamayan ka
nga gamit ang kanan, kokotongan ka naman na gamit ang kaliwa.
Ngayon, dahil patas na ang laban, at may hayag at hindi
pabagu-bagong mga patakaran, patuloy ang pagtaas ng kumpiyansa sa ating ekonomiya.
Patuloy ang pagpasok ng puhunan; patuloy ang pagdami ng trabaho; patuloy ang
positibong siklo ng pagkonsumo, paglago ng negosyo, at pagdami ng mamamayang
naeempleyo. [Applause]
Dahil maayos ang paggugol ng gobyerno, walang tagas sa
sistema. Dahil maayos ang pangkolekta ng buwis, lumalago ang kaban ng bayan.
Bawat pisong nakokolekta, tiyak ang pupuntahan: Piso itong diretso sa kalsada,
piso para sa bakuna, piso para sa classroom at upuan, piso para sa ating
kinabukasan. [Applause]
Dahil maayos ang paggawa ng tulay, kalsada, at gusali,
itinatayo ang mga ito kung saan kailangan. Maayos ang daanan, mas mabilis ang
takbo ng produkto, serbisyo, at mamamayan.
Dahil maayos ang pamamahala sa agrikultura, tumataas ang
produksyon ng pagkain, at hindi pumapalo ang presyo nito. Stable ang pasahod,
at mas malakas ang pambansang ekonomiya.
Tunay nga po: Ang matatag at malakas na ekonomiyang
pinanday ng mabuting pamamahala ang pinakamabisang kalasag laban sa mga hamon
na kinakaharap ng daigdig. Dalawang taon po nating binaklas ang mga balakid sa
pag-unlad, at ngayon, tayo na lang mismo ang makakapigil sa ating sariling
pag-angat.
Ginawa po natin ang lahat ng ito habang binubuno rin ng
bawat bansa sa iba’t ibang sulok ng daigdig ang kani-kanilang problema’t
pagsubok.
Hindi po tayo nag-iisa sa mundo, kaya’t habang
tinutugunan natin ang sarili nating mga suliranin, angkop lamang na bantayan
din ang ilang pangyayaring maaaring makaapekto sa atin.
Naging maugong ang mga kaganapan sa Bajo de Masinloc. May
mga mangingisdang Tsinong pumasok sa ating teritoryo. Nasabat ng barko natin at
nasabad sa kanilang mga barko ang endangered species. Bilang pinuno, kailangan
kong ipatupad ang batas na umiiral sa ating bansa. Sa pagsulong nito,
nagbungguan ang Nine-Dash Line Theory ng mga Tsino, na umaangkin sa halos buong
West Philippine Sea, at ang karapatan natin at ng marami pang ibang bansa,
kasama na ang Tsina, na pinagtibay naman ng United Nations Convention on the
Laws of the Sea.
Ibayong hinahon ang ipinamalas natin. Ang barko ng Hukbong
Dagat, bilang tanda ng ating malinis na hangarin, ay agad nating pinalitan ng
barkong sibilyan. Hindi tayo nakipagsagutan sa mga banat ng kanilang media sa
atin. Hindi naman po siguro kalabisan na hilingin sa kabilang panig na galangin
ang ating karapatan, gaya ng paggalang sa kanilang mga karapatan bilang kapwa
bansang nasa iisang mundong kailangang pagsaluhan.
Mayroon po tayong mga miron na nagsasabing hayaan na lang
ang Bajo de Masinloc; umiwas na lang tayo. Pero kung may pumasok sa inyong
bakuran at sinabing sa kanya na ang kanyang kinatatayuan ay sa kanya na,
papayag ba kayo? Hindi naman po yata tamang ipamigay na lang natin sa iba ang
sadyang atin talaga. [Applause]
Kaya nga po hinihiling ko sa sambayanan ang pakikiisa sa
isyung ito. Iisa lang po dapat ang kumpas natin. Tulungan ninyo akong iparinig
sa kabilang panig ang katuwiran ng ating mga paninindigan.
Hindi po simple ang sitwasyon, at hindi magiging simple
ang solusyon. Magtiwala po kayo: kumokonsulta tayo sa mga eksperto, at sa lahat
ng pinuno ng ating bansa, pati na sa kaalyado natin—gayundin sa mga nasa
kabilang panig ng usaping ito—upang makahanap ng solusyon na katanggap-tanggap
sa lahat. [Applause]
Sa bawat hakbang sa tuwid na daan, nagpunla tayo ng
pagbabago. Ngunit may mangilan-ngilan pa ring pilit na bubunot nito. Habang
nagtatalumpati ako ngayon, may mga nagbubulung-bulungan sa isang silid at
hinihimay ang aking mga sinasabi; naghahanap ng butas na ipambabatikos bukas.
Sasabihin nila, “Salita lang ito, at hindi totoo ang tuwid na landas.” Sila rin
po ang magsasabing hayaan na, magkaisa na; forgive and forget na lang para
makausad na tayo.
Hindi ko po matatanggap ito. Forgive and forget na lang
ang sampung taon na nawala sa atin? Forgive and forget na lang para sa
magsasakang nabaon sa utang dahil sa kakaangkat natin ng bigas, gayong puwede
naman palang pagyamanin sa ating sariling lupa?
Forgive and forget na lang ba para sa pamilya ng isang
pulis na namatay nang walang kalaban-laban, dahil batuta lang ang hawak niya
habang hinahabol ang armadong masasamang-loob?
Forgive and forget na lang ba para sa mga naulila ng
limampu’t pitong biktima ng masaker sa Maguindanao? Maibabalik ba sila ng
“forgive and forget?” [Applause] Forgive and forget ang lahat ng atraso ng mga
naglubog sa atin sa bulok na estado? Forgive and forget para maibalik ang
lumang status quo? Ang tugon ko, “Ang magpatawad, maaari; ang makalimot,
hindi.” [Applause] Kung ang nagkasala ay hindi mananagot, gagarantiyahan mo ang
pagpapahirap muli sa sambayanan.
Ang tunay na pagkakaisa at pagkakasunduan ay magmumula
lamang sa tunay at ganap na katarungan. Katarungan ang tawag sa plunder case na
isinampa laban sa dating pangulo. [Applause] Katarungan na bigyan siya ng
pagkakataong harapin ang mga akusasyon at ipagtanggol ang kanyang sarili.
Katarungan ang nasaksihan natin noong ika-dalawampu’t siyam ng Mayo. Noong araw
na iyon, pinatunayan natin: Posibleng mangibabaw ang katarungan kahit na ang
kabangga mo ay may mataas na katungkulan. [Applause] Noong araw na iyon, may
isang Delsa Flores sa Panabo, Davao del Norte, na nagsabing, “Posible palang
iisang batas lang ang kailangang sundin ng court interpreter na tulad ko, at ng
Punong Mahistrado.” [Applause] Posible palang maging patas ang timbangan;
maaaring isakdal at panagutin miski ang mayaman at makapangyarihan.
Kaya po sa susunod na magiging Punong Mahistrado, malaki
ang inaasahan sa inyo ng sambayanan. Napatunayan na po nating posible ang
imposible; ang trabaho natin ngayon, siguruhing magpapatuloy ang pagbabago
tungo sa tunay na katarungan, matapos man ang ating termino. [Applause] Marami
pong sira sa sistemang kailangan ninyong kumpunihin, at alam kong hindi
magiging madali ito. Alam ko po kung gaano kabigat ang pasanin ng isang malinaw
na mandato; ngunit ito ang atas sa atin ng taumbayan; ito ang tungkuling ating
sinumpaan; ito ang kailangan nating gampanan.
Simple lang ang hangad natin: kung inosente ka,
buong-loob kang haharap sa korte, dahil kampante kang mapapawalang-sala ka.
Kung ikaw ang salarin, anuman ang apelyido mo, o gaano man karami ang titulong
nakakabit sa iyong pangalan, may katiyakan din na pananagutan mo ang ginawa
mong kasalanan. [Applause]
Salamat din po kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales,
[applause] sa pagtanggap ng hamon na maging tunay na tanod-bayan. Kung
tutuusin, pwede na niyang tanggihan ang responsibilidad at sabihing, “Retirado
na ako, puwede bang ‘yung iba na lang?” Subalit nangibabaw ang kaniyang
malasakit sa bayan. Sa kabila nito, may nagregalo pa rin sa kanya ng granada sa
bahay. [Laughter] Ma’am, may mga darating pa pong pagsubok; baka po paglaon,
magaya na kayo sa akin na tinatawag, sabay-sabay pang tinatawag, na ganid na kapitalista
na komunista din patungong diktador dahil sa masigasig na mga repormang
ipinapatupad natin.
Bilib po ako sa inyong pagpapakitang-gilas at maraming
salamat sa pagiging instrumento ng katarungan, lalo na noong kasagsagan ng
impeachment trial. Salamat din po sa dalawang institusyong bumubuo ng Kongreso:
Sa Senado at Kamara de Representante, na tinimbang ng taumbayan at nakitang
sapat na sapat.
Sa lahat po ng tumulong sa pagpapagana ng mga prosesong
pangkatarungan: Dumaan kayo sa matinding pagsubok, batikos, at agam-agam;
kasama pa ang kaba na kung natalo tayo, kayo ang unang pupuntiryahin ng
kalaban. Pero ‘di kayo natinag. Umasa sa inyo ang Pilipino, at pinatunayan
ninyong tama ang pag-asa sa inyo. Hindi ninyo binigo ang sambayanan;
ipinaliwanag ninyo lalo ang ating kinabukasan. [Applause]
Paalala lang po: hindi natatapos ang laban sa isang
tiwaling opisyal na natanggal sa puwesto, sa isang maanomalyang kontratang
napigil ipatupad, o sa isang opisinang naituwid ang pamamalakad. Kaya naman
nananawagan po tayo sa Kongreso na ipasa ang panukala nating sa pag-amyenda sa
Anti-Money Laundering Act, upang mas mapaigting pa natin ang pagpapanagot sa
mga tiwali.
Itong tinatamasa natin ngayon: ang bawat nailawan at
iilawan pang sitio; ang bawat daan, tulay, paliparan, tren, at daungan; ang
bawat kontratang walang bukol; ang kaligtasan at kapayapaan mula lungsod
hanggang nayon; ang pagbalik ng piring sa sistemang pangkatarungan; ang bawat
classroom, upuan, at aklat na napasakamay ng kabataan; ang bawat Pilipinong nahahandugan
ng bagong kinabukasan—ang lahat ng ito, naabot natin sa loob lamang ng dalawang
taon.
Pagtabihin po natin ang dalawang taon na ito, at ang
nakaraang siyam at kalahating taon na ating pinagdusahan. ‘Di po ba’t
sumusulong na ang agenda ng pagbabago? Ang kapareho namin ng adhikain,
malamang, kasama namin sa agendang ito. At kung kontra ka sa amin, siguro
kontra ka rin sa ginagawa namin. Kung kumukontra sila sa agenda ng pagbabago,
masasabi ba niyang sila’y nasa panig ninyo?
Paparating na naman po ang halalan. Kayo po, ang aming
mga boss, ang tangi naming susundan. Ang tanong ko sa inyo, “Boss, saan tayo
tatahak? Tuloy ba ang biyahe natin sa tuwid na landas, o magmamane-obra ba
tayo’t paatras, pabalik sa daan na baluktot at walang patutunguhan?”
Naalala ko pa po noong nagsimula tayo. Mulat na mulat ako
sa bigat ng pasaning sasalubong sa atin. Kabilang ako sa mga nag-isip: Kaya pa
bang ituwid ang ganito kabaluktot na sistema?
Heto po ang aking natutuhan sa dalawampu’t limang buwan
ng pagkapinuno: Walang pong imposible. [Applause] Walang imposible dahil kung
nakikita ng taumbayan na sila ang tanging boss ng kanilang pamahalaan,
bubuhatin ka nila, gagabayan ka nila, sila mismo ang mamumuno tungo sa
makabuluhang pagbabago. Hindi imposible na ang Pilipinas ang maging
kauna-unahang bansa sa Timog-Silangang Asya na magbibigay at nagbibigay ng
libreng bakuna laban sa rotavirus. Hindi imposible para sa Pilipinas na
tumindig at sabihing: “Ang Pilipinas ay sa Pilipino—at handa kaming ipagtanggol
ito.” Hindi imposible na ang Pilipinong kaytagal nang yumuyuko tuwing may
nakakasalubong na dayuhan—ang Pilipino, ngayon, taas-noong tinitingala ng buong
mundo. [Applause] Talaga namang ang sarap maging Pilipino sa mga panahong ito.
Noon pong nakaraang taon, hiniling ko sa taumbayan:
Magpasalamat sa mga nakikiambag sa positibong pagbabago sa lipunan. Hindi po
biro ang mga pagsubok na dinaanan natin, kaya angkop lamang na pasalamatan ang
mga taong nakibalikat, sa pagkukumpuni sa mga maling idinulot ng masamang
pamamahala.
Sa lahat ng miyembro ng aking Gabinete: Maraming,
maraming salamat. [Applause] Mapalad po ang sambayanan at may mga tulad ninyong
handang isuko ang pribado at mas tahimik na pamumuhay para maghatid
serbisyo-publiko, kahit pa batid ninyong ang kapalit nito ay mas maliit na
sweldo, panganib, at pambabatikos. Maraming salamat muli.
Huwag din po sana nilang masamain dahil personal ko
silang papangalanan: Kina Father Catalino Arevalo, at Sister Agnes Guillen, na
dumidilig at nagpapalago sa aking buhay spirituwal, lalo na sa mga panahong
sukdulan ang pagsubok sa amin, maraming, maraming salamat din po. [Applause]
Ito po ang aking ikatlong SONA, tatlo na lamang din po
ang natitira. Papasok na po tayo sa kalagitnaan ng ating liderato. Noong
nakaraang taon, ang hamon ko sa inyo: iwaksi ang kultura ng negatibismo; sa
bawat pagkakataon, iangat ang kapwa-Pilipino.
Batid po sa tinatamasa natin ngayon: hindi kayo nabigo.
Sa inyo nagmula ang pagbabago. Ang sabi ninyo: posible.
Humaharap po ako sa inyo bilang mukha ng isang gobyernong
kayo ang boss at kayo pa rin ang lakas. Inuulat ko lamang ang mga pagbabagong
ginawa ninyong posible.
Kaya nga po sa lahat ng nurse, midwife, o doktor na
piniling magsilbi sa mga baryo; sa bawat bagong graduate na piniling magtrabaho
sa gobyerno; sa bawat atletang Pilipinong bitbit ang watawat saan mang panig ng
mundo; sa bawat kawani ng pamahalaan na tapat na nagseserbisyo: Kayo po ang
gumawa ng pagbabago. [Applause]
Sa tuwing haharap ako sa isang ina na nagsasabing,
“Salamat at nabakunahan na ang aking sanggol,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa
nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang bata na nagsasabing,
“Salamat sa papel at lapis, sa pagkakataong makapag-aral,” ang tugon ko: Kasama
ka sa gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang OFW na nagsasabing, “Salamat
at puwede ko na muling pangaraping tumanda sa Pilipinas,” ang tugon ko: Ikaw
ang gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang Pilipinong nagsasabing,
“Salamat, akala ko hindi na magkakakuryente sa aming sitio. Akala ko hindi ko
na aabuting buhay ang liwanag na ganito,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.
Sa bawat pagkakataon na haharap ako sa isang magsasaka,
guro, piloto, inhinyero, tsuper, ahente sa call center, karaniwang Pilipino; sa
bawat Juan at Juana dela Cruz na nagsasabing “Salamat sa pagbabago,” ang tugon
ko sa inyo: Kayo ang gumawa nito. [Applause]
Inuulit ko po: posible na ang dating imposible. Humaharap
po ako sa inyo ngayon, at sinasabing: hindi ko SONA ito. Kayo ang gumawa nito.
SONA ito ng sambayanang Pilipino. Maraming, maraming salamat po at magandang
hapon po sa lahat. [Applause]
0 comments:
Post a Comment